» Pang-unang Pahina » Ang Huling Pananalita

Ang Huling Pananalita

Ang Islam ay walang hanggang banal na Mensahe ng Allah, Ang Makapangyarihan, ang Kataas-taasan, sa lahat ng tao na dala ng Huling Propeta at Sugo ng Allah (r). Ang ilan ay naniwala sa Mensahe ng Islam at sinunod ito, samantalang ang iba naman ay hindi naniwala at hindi sumunod dito. Ang Allah (U) ay nagpahayag na ang tao ay marangal at dakila nang higit kaysa sa ibang nilikha ng Allah (U). Ang Allah (U) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"At tunay na Aming pinarangalan ang mga anak ni Adan at Aming dinala sa lupain at karagatan, at ipinagkaloob sa kanila ang mga mabubuting bagay at Aming pinili nang higit sa ibang nilikha.

"(Qur'an 17:70)

Ang Allah (U) ay nagpahayag din ng isang dakilang prinsipyo: na ang lahat ng tao ay nilikha ng pantay-pantay sa kanilang orihinal na pagkalikha. Sinabi Niya (U) sa Banal na Qur’an:

"O Sangkatauhan! Maging masunurin sa inyong Panginoon, na Siyang lumikha sa inyo mula sa iisang tao (Adan), at mula sa kanya (Adan), ay nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba), at mula sa kanilang dalawa nilikha Niya ang maraming mga lalaki at babae; matakot sa Allah na kung kanino ninyo hinihingi ang inyong karapatan sa isa't isa, at (huwag putulin ang ugnayan) ng sinapunpunan (i.e. kamag-anakan). Katiyakan, ang Allah ay lagi nang nakamasid sa inyo.

" (Qur'an 4:1)

Batay sa naunang prinsipyo, lahat ng mga lalaki at babae ay pantay-pantay sa larangan ng makataong katangian. sa mga tungkulin at mga pananagutan. Lahat ng mga lalaki at babae ay nalikhang pantay-pantay sa mata ng Allah (U). Ang kanilang kaibahan sa lahi, lenguahe, pamumuhay at heograpiya at iba pa ay walang relasyon sa pagtaas at pagbaba ng kanilang dangal. Ang tunay na pagkakaiba sa kanila ay ayon sa pagkilala sa Allah (U), at sa pagganap at pagsasakatuparan sa kanilang pamumuhay ng Islam, ang ipinahayag na relihiyon ng Allah (U), at sa kanilang pagsasagawa at pagpapairal ng mga prinsipyo sa kanilang buhay sa pang araw-araw. Ang Allah (U) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"O Sangkatauhan! Nilikha Namin kayo mula sa isang lalaki at babae at ginawa kayong mga bansa at tribo upang inyong makilala ang bawa't isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ng Allah ay yaong (mananampalataya na may takot sa Allah) may Taqwa (mabuti at masunurin sa lahat ng Kautusan ng Allah at ng Kanyang Sugo). Tunay! Ang Allah ay Ganap na Maalam, Ang Nakababatid (ng lahat ng bagay).

"(Qur'an 49:13)

Samakatuwid, ang tunay na may dangal ng kahit sinong tao sa paningin ng Allah ay hindi batay sa kulay, panlipunang katayuan, kasarian, lahi, lakas, kalusugan, karangalan o kayamanan. Ang tanging sukatan ng pagkakaiba sa paningin ng Allah ay batay sa kabanalan at pagsasagawa ng mabuting mga gawa.

Katulad ng iniulat ng Propeta ng Allah

(r) na nagsabing:

“O Sangkatauhan, ang inyong Panginoon ay isa at ang inyong ama ay isa. Walang Arabo na nakakahigit sa isang hindi Arabo, o ang hindi Arabo ay nakakahigit sa isang Arabo, o ang taong pula ay nakakahigit sa isang itim, o ang taong itim ay nakakahigit sa pula, maliban sa pagkakaroon ng kabanalan.

" (Ahmad at napatotohanan)

Ang mga aral sa Islam ay nag-aalis ng lahat ng pagkakaibang namamagitan sa mga tao, at inilalagay nito sa magkapantay na kalagayan. Isa sa mga makabuluhang turo ng Islam ay kadalasang hindi mauunawaan, inaabuso o walang sapat na paliwanag ay yaong ang

“Babae ay pantay sa lalaki sa lahat ng bagay maliban kung may maliwanag at natatanging kadahilanan.” Ang pagkapantay-pantay at paghihiwalay ay siyang paksa sa aklat na ito, at aming tinangkang ipaliwanag ang mga di-pagkakaunawaan tungkol sa katotohanan sa mga babae sa Islam.

Ang Allah(U) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"Ang mga mananampalataya, mga lalaki at babae, ay mga magkatulong, magkasama, magkaibigan at tagapangalaga sa isa’t isa; Sila ay nag-aanyaya sa kabutihan (sa mga tao) at nagbabawal (sa tao) mula sa lahat ng kasamaan at sila ay nag-aalay ng mataimtim na pagdarasal at gumugugol sa kawanggawa (Zakah) at sumusunod sa Allah at sa Kanyang Sugo. Ang Allah ay magkakaloob ng habag sa kanila. Katiyakan, ang Allah ay Ganap na Makapangyarihan, ang Ganap na Maalam.

"(Qur'an 9:71)

Ang Allah(U) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"Kaya’t tinanggap ng kanilang Panginoon (ang kanilang dalangin at pinakinggan), 'Hindi Ko hahayaang mawalang kabuluhan ang gawain ng sinuman sa inyo, maging lalaki o babae. Kayo ay nabibilang sa isa't isa…'

" (Qur'an 3:195)

Ang Allah (U) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"Mayroong(nakalaang) bahagi para sa kalalakihan at (nakalaang) bahagi para sa kababaihan mula sa iniwan ng kanilang mga magulang at mga malalapit na kamag-anak, maging ang ari-ariang ito ay maliit o malaki, isang makatarungang bahagi.

" (Qur'an 4:7)

Batay sa paliwanag ng buong aklat na ito, ang mambabasa ay mapapanatag ang kalooban at maaari niyang sabihin na ang mga babae ay hindi nagkaroon at hindi magtatamasa ng ganap na karapatan, likas na kalayaan at ganap na pansariling karapatan maliban sa ilalim at pangangalaga ng banal at makatarungang batas ng Islam. Itinatag ng Islam ang mga pangunahing karapatan ng mga babae, at itinakda ang mga tungkulin na kailangan niyang mapanatili, tuparin at gampanan. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang katotohanan na ang Islam ay Banal na Relihiyon na taliwas sa ibang relihiyong gawa lamang ng tao. Ito ay para sa Sangkatauhan, lalaki man o babae, mayaman o mahirap, hari o magbubukid, malusog o may kapansanan, malakas o mahina, puti o itim, pula o dilaw. Lahat sila ay pantay sa paningin ng Dakilang Allah. Nalalaman ng Tagapaglikha, ang Allah, kung ano ang ikabubuti at ikauunlad ng Kanyang mga nilikha dito sa mundo at maging sa kabilang buhay.

Ako ay nakikiusap sa mga mambabasa na huwag hatulan ang Islam batay sa mga nakikita o napapansing pag-uugali o pagkilos at masamang kaasalan ng mga ilang Muslim. Sa katunayan, may mga tao na ginagamit ang Islam (nagkukunwaring mga Muslim) upang takpan ang kanilang masasama at nakakahiyang mga gawain. Katulad ng mga taong nagsasabing sila ay Muslim na nagpapahayag ng Shahada, (ang pagsaksi na 'Walang diyos na karapatdapat sambahin maliban sa Allah lamang, at si Muhammad ay Alipin at Sugo ng Allah') hanggang duon lamang sila sa pagbigkas nito subali't nakakalungkot na hindi isinasagawa ang mga aral at turo ng Islam katulad ng kagandahang asal na ipinatutupad ng Islam. Ang Islam ay ganap, wagas na relihiyon, magaan at simple ang pagpapatupad nito sa lahat ng bagay at panahon. Maraming tao ang nagpupunyagi sa buong buhay nila na maging isang tunay at mabuting Muslim at naghahanap sa ikasisiya ng Dakilang Allah. Sa kabilang dako, mayroong mga taong nakagagawa ng ng mga kamalian at pagkukulang na marapat parusahan dito sa lupa at sa kabilang buhay. Ang mga kasalanang ito ay maaaring ang bigat ay kapantay na ng walang paniniwala at bilang taong lumabas sa Islam, o kaya ang mga kasalanang ito ay hindi mabigat gaya ng taong nagpapabaya lamang sa kanilang tungkulin o tinalikdan ang kautusan ng Allah (U) at ang magagandang aral ng Sugo ng Allah (r). Mauunawaan natin na ang kakulangan ng tao sa isang bagay katulad ng kayamanan, kaligayahan o dangal, ay hindi niya kayang ibahagi ito sa kanyang kapwa. Ganyan din sa Islam, hindi kayang ilarawan ng isang di-sumusunod na Muslim ang tunay na katotohanan ng mga aral ng Islam at ang magagandang gawain ng Sugo ng Allah (r).

Bilang pangwakas, ako ay nag-aanyaya sa mga di-Muslim na may bukas na kaisipan at puso na magbasa tungkol sa Islam mula sa mga mapananaligan at kilalang mga Muslim na isinasa-buhay ang Islam. Ang pagkakaroon ng mababaw at kaunting kaalaman sa Islam mula sa pagbabasa ng mga aklat na hindi mapapanaligan ay nakakasama at hindi maaaring makapagbigay ng pasiya o kaya ay makapagpaliwanag ng ganap tungkol sa Islam. Ang pagsunod sa iba ng pikit mata sa mga paliwanag na walang basehan ay nakapipinsala. Kaya't nararapat na maghanap ng mapapanaligang kaalaman tungkol sa Islam at huwag magpadaya sa mga nagpapalaganap ng maling pagsamba at pagpapatupad. Ang Allah (U) ay nagsabi sa Maluwalhating Qur'an:

"Walang sapilitan sa relihiyon. Katotohanan, ang matuwid na landas ay naiiba kaysa sa maling landas. Sinuman ang hindi sumampalataya sa Taghut (mga bagay na sinasamba bukod sa Allah) at nananampalataya sa Allah (tunay na) kanyang tangan ang mapagkakatiwalaang hawakan na di mapuputol. At ang Allah ay Ganap na Nakaririnig, ang Ganap na Maalam.

" (Qur'an 2:256)