» Pang-unang Pahina » Ang Pagpapahayag ng mga Kababaihan

Ang Pagpapahayag ng mga Kababaihan

Ang Dakilang Allah ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

"…At kumuha ng dalawang testigo mula sa inyong mga kalalakihan, at kung walang dalawang lalaki na maaaring maging saksi o testigo, kung gayon, isang lalaki at dalawang babae, na inyong sinang-ayunan na sumaksi, upang kung ang isa sa kanila (sa dalawang babae) ay nagkamali, ang isa ay magpapaalaala sa kanya..

." (Qur'an 2:282)

Ang Dakilang Allah ay nagpaliwanag sa talatang ito upang tiyakin na ang karapatan ng iba ay hindi mabale-wala kung may saksi na dalawang lalaki, o isang lalaki at dalawang babae.

May dakilang karunungan ang naipagkaloob sa babae, na karaniwan ay napakamaramdamin, magiliw at mapagmahal kahit na sa ibang mga kamag-anak ng pamilya. Dahil dito, ang babae ay may likas na kakayahan sa pagiging ina, sa panganganak, sa pag-aalaga hanggang sa pagpapalaki ng anak atbp. Batay sa pagkamaramdamin na katangian ng mga babae, sila ay maaaring mapasunod na lamang sa kanilang damdamin at malihis sa katotohanan dahil sa damdaming nasasangkot sa usapin. Ang pagmamahal ng babae at ang kanyang pagka-mahabagin ay maaaring di mapaglabanan at sabihin ang kabaligtaran ng kanyang nasaksihan. Gayun din, ang pagbabago sa katawan ng babae dahil sa kanyang pagreregla, pagbubuntis, panganganak at pag-aaruga sa mga anak ay mga kalagayan na nakakabawas sa kanyang matalas na memorya at makakalimot sa mga detalye ng usapin. Samakatuwid, ang banal na pag-iingat na pamamaraan ay naitatag upang maalis ang anumang pagkukulang sa parte ng babae sa kanyang pagpapahayag. Nais naming mabigyan ng punto dito ang isa sa pinakamahalagang alituntuning legal at batas ng Islam na nagsasaad na hindi nararapat ipagpatuloy ang usapin kung may pagdududang lumitaw sa kaso.

Ang Islam ay nagbigay sa mga kababaihan ng ganap na kalayaan sa pananalapi sa terminong pagsasarili at pagpapasiya sa pananalapi at ginawa siyang ganap na pantay ng lalaki hinggil sa ganito. Datapwa't, likas na gawain sa buhay ng babae ay ang pagpapalaki ng mga anak at sa ganitong pag-aaruga kinakailangan ng pamilya na mamalagi sa bahay ang babae ng matagal at mahabang panahon kung ihahambing sa mga lalaki, kaya't ang kanyang karunungan at karanasan ay nahahadlangan ng kanyang mga gawain kung saan siya’y nasasangkot sa halos buong buhay niya.

Isang maling paratang ang pagsabi na, 'ang pagtawag ng dalawang babaing mag-testimonya bilang saksi (testigo) ay katulad ng isang lalaki sa ibang mga kaso ay isang insulto sa katalinuhan ng babae at paninirang puri sa kanyang kakayahan.' Sa gayong dahilan ang testimonya ng isang babae ay hindi dapat tanggapin sa pribadong pamumuhay ng babae. Tinatanggap ng Islam ang isang testimonya ng babae sa pagpapatunay ng pagka-birhen niya, sa kanyang panganganak, sa pagpapaliwanag ng depekto ng kanyang pagka-babae, at sa mga iba pang mga bagay na kailangang masuri ang pribadong parte ng babae dahil sa pagtatalo.

Sa kabilang dako, hindi tinatanggap ng Islam ang isang testimonya ng isang lalaki tungkol sa bagay na pananalapi katulad sa pagpapautang at pagpapahiram ng pera at sa iba pang negosyo, dahil kailangan ang dalawang testimonya. Sa mga delikado at seryosong mga usapan, na kung saan ang testimonya ng babae ay nararapat lang na maging dalawa, ay naitatag upang mapangalagaan at mapatunayan ang mga karapatan ng bawa’t tao sa lipunan batay sa katapatan at di-mapapabulaanang testimonya.

Pag-ukulan ng pansin na ang testimoniya sa Batas ng Islam ay hindi isang karapatan o karangalan, kundi ito ay isang pasanin na iniiwasan ng marami at dahil dito ang Allah (U) ay nag-utos sa mga tao para magbigay ng kanilang testimonya at hindi dapat umiwas o magkait nito. Ang Allah (U) ay nagsabi:

"…Ang mga testigo ay di dapat tumanggi kung sila ay tawagin para magbigay ng patotoo…

" (Qur'an 2:282)

Ang pahayag dito ay pangkalahatan para sa lalaki at babae. Karamihan sa buong mundo ay nagtatangkang umiwas sa pagiging saksi (testigo) sa dahilang totoong may malaking pasanin at alalahanin sa ganito. Kinakailangan magpunta sa korte, umupo sa upuan ng mga saksi, manumpa at magsabi ng buong katotohanan, sasailalim sa pagsisiyasat (cross examination) at marami pang ibang kaabalahan. Sa pagiging saksi at pagbibigay ng testimonya ay maaari itong magbigay ng pasaning pisikal at pananalapi. Samakatuwid, layunin ng Islam na alisin ang mga ganitong pasanin sa pagsaksi ng mga kababaihan, maliban kung siya ay may kasamang magiging saksi din na katulad niya.

Ang testimoniya ng isang lalaki ay hindi tinatanggap sa mga bagay ng pananalapi, sa kadahilanang dapat ay may dalawang lalaki na tetestigo upang magpatunay sa karapatang pananalapi ng naghahabol, o isang lalaki at dalawang babae. Walang sinuman sa ating pagkakaalam, na sabihin itong insulto sa katalinuhan ng isang lalaki at laban sa kanyang karapatan. Ito ay nagpapatotoo na ang pangangailangan ay para sa kaligtasan laban sa mga maling paratang at mga pagkakamali.

May mga ibang kaso na ang pahayag ng bawa’t isa ay pareho. Katulad halimbawa, ang testimonya ng babae ay katulad ng testimonya ng kanyang asawa kung ang lalaki ay nagparatang na ang kanyang asawa ay nakikiapid at wala siyang ebidensiya upang patunayan ang kanyang paratang. Ang Allah (U) ay nagsabi sa Maluwalhating Qur’an:

"At sa mga nagparatang sa kanilang mga asawa, na wala silang saksi (testigo) kundi ang kanilang sarili, kailangang sabihin ng nag-testimonya sa kanila ng apat na ulit dapat, (halimbawa, sasaksi siyang apat na ulit) na magsasabing, 'Sa Ngalan Ng Allah, siya ay sumasaksi at nagsasabi ng katotohanan.' At ang panlimang testimoniya ay hingin niya ang sumpa ng Allah sa kanya kung siya ay nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanyang asawa. Ngunit maiiwasan niya (babae) ang parusa (ng kamatayan sa pagpukol ng bato), kung siya ay manunumpa ng apat na ulit ng ganito: 'Sa Ngalan ng Allah, na ang kanyang asawa ay nagsisinungaling.' At ang panlimang testimoniya ay ang paghingi niya ng sumpa ng Allah sa kanya kung ang asawa niya (lalaki) ay nagsasabi ng katotohanan.

" (Qur'an 24:6-9)